Mga Balita

Pinagsanib na lupon ng UST at USTFU para sa "Dangal ng UST", nagpulong
15 Agosto 2013

Sa unang pagkakataon, nagpulong ang pinagsanib na Lupon ng UST at USTFU para i-plano ang paraan ng pagpili ng mga pararangalan at ang pagtatanghal ng Ika-15 "Dangal ng UST" sa ika-5 Marso 2014 sa San Martin de Porres Auditorium.  Ang unang pagtitipon ng pinagsanib na Lupon ay naganap noong ika-14 ng Agosto sa Opisina ng Dekana ng Nursing na si Kaw. Prop. Susan N. Maravilla, Dekana ng Kolehiyo ng Narsing, na siyang Puno ng Lupon ng UST.  Pinangunahan  naman ng Pangulo ng USTFU na si Prop. George G. Lim, M. D. ang Lupon ng USTFU.
   
Binalangkas ng pinagsanib na Lupon ang pangkalahatang plano para sa ika-15 Dangal ng UST, magmula sa pag-aaral ng Primer hanggang sa pagtatanghal sa mga pararangalan sa Marso 2014.  Binuo din ng magkanib na Lupon ang iba't ibang Komite na mangangasiwa sa sari-saring aspeto ng pagsasakatuparan ng mga plano nila. 

***
Lupon ng Inampalan para sa Gawad Sto. Tomas, binuo
3 Oktobre 2013

Sa isang pagpupulong ng pinagsanib na Lupon ng UST at USTFU para sa Dangal ng UST, pinagpasyahan at pinagtibay ang kapasyahan ukol sa bubuo ng Pinal na Lupon ng mga Hurado para sa Gawad Sto. Tomas (GST).  Ang Pinal na Lupon ng mga Hurado para sa GST ay binubuo nina Prop. Zosimo E. Lee, Ph. D. ng Unibersidad ng Pilipinas - Diliman (UPD), Prop. Arnulfo P. Azcarraga, Ph. D. ng De La Salle University (DLSU) at Asos. Prop. Rochelle Irene G. Lucas, Ph. D. na mula rin sa DLSU.  Sila ay nominado ng Komite para sa mga Gawad na pinamumunuan nina Prop. Jesus Valencia, M. D., Dekano ng Fakultad ng Medisina at Pagtitistis, at Prop. Philipina A. Marcelo, Ph. D., Dekana ng Fakultad ng Inhinyeriya, para sa Lupon ng UST, at nina Prop. George G. Lim, M. D., Presidente ng USTFU at Kat. Prop. Elizabeth H. Arenas para naman sa USTFU.  

Sapagkat sa taong ito, ang UST ang itinuturing na punong-abala ng Dangal, pinangunahan nina Prop. Valencia at Prop. Marcelo ang masusing paghahanap ng mga magiging miyembro ng Pinal na Lupon para sa GST.  Ilan sa mga kwalipikasyon na hinanap ng dalawang Propesor ay ang katangi-tanging karanasan ng mga magiging nominado sa larangan ng pagtuturo, pananaliksik na makabuluhan di lamang sa bansa kung hindi pati sa buong mundo, at paglilingkod sa pamayanan.  Ikinunsedera rin ang pagiging mahuhusay na lider ng mga ito sa mga nangungunang Institusyong kanilang pinaglilingkuran at ang kanilang pagiging tanyag at pinagpipitagang mga iskolar sa kani-kanilang larangan ng pagkadalubhasa sa loob at labas ng bansa.  

Sa isang pagpupulong, nagdeliberasyon ang Komite upang pagpasyahan ang mga opisyal na nominado para sa Pinal na Lupon ng GST.  Ang listahan ng mga nominado ay iprenesenta sa pagpupulong ng Pinagsanib na Lupon upang pagpasyahan, at doon ay ipinagtibay ang desisyon para sa pagtatalaga kina Prop. Lee, Prop. Azcarraga at Asos. Prop. Lucas bilang mga natatanging miyembro ng Pinal na Lupon ng Hurado para sa GST.

***  
Mga Finalists sa Gawad Sto. Tomas, nalaman na
8 Oktobre 2013

Gamit ang basehan para sa pagpili ng mga finalists sa Gawad Sto. Tomas, binuo ng Komite para sa mga Gawad ng Pinagsanib na Lupon ng UST at USTFU ang listahan ng mga nanguna sa una at pangalawang hakbang ng paghahanap ng mga magagawaran.  Buong lugod na iprenesenta ng Komite sa Pinagsanib na Lupon ang mga pangalan ng nasa listahan kasama ang kani-kanilang mga kahanga-hangang kwalipikasyon.  

***   
Ang Pinal na Paghuhusga sa mga Finalists sa Gawad Sto. Tomas, isinagawa na
21 Nobyembre 2013

Humarap sa Pinal na Lupon ng mga Hurado para sa Gawad Sto. Tomas ang mga finalist sa iba't ibang kategorya noong ika-20 ng Nobyembre 2013.  Bawat isa sa mga finalists ay binigyan ng kabuuang 10 minuto para sa personal na panayam (panel interview) ng Lupon at 20 minuto naman para sa pakitang turo.  Ang Lupon ay binubuo nina Prop. Zosimo E. Lee, Ph. D. ng Unibersidad ng Pilipinas - Diliman (UPD), Prop. Arnulfo P. Azcarraga, Ph. D. ng De La Salle University (DLSU) at Asos. Prop. Rochelle Irene G. Lucas, Ph. D. na mula rin sa DLSU.    

Pagkatapos ng Panayam ng Pinal na Lupon at Pakitang Turo ng mga Finalists, nagpulong ang mga miyembro ng Lupon upang isagawa ang deliberasyon para sa pagpili ng nanalo sa bawat kategorya.  Ang resulta ng kanilang deliberasyon ay pormal na isinomete sa Komite para sa mga Gawad ng Pinagsanib na Lupon ng UST at USTFU sa isang selyadong sobre.  Ang sobre ay isosomete ng Komite sa Pinagsanib na Lupon ng UST at USTFU at bubuksan sa kanilang susunod na pagpupulong.       

Bagama't hindi kasama sa paghuhusga, kasama rin upang pangunahan ang pagko-koordina at obserbahan ang buong proseso ng paghuhusga sina Prop. Philipina A. Marcelo, Ph. D., Dekana ng Fakultad ng Inhinyeriya, para sa UST, at Kat. Prop. Elizabeth H. Arenas, para sa USTFU.  Ang dalawa ay pawang mga Katuwang na Pinuno ng Komite para sa mga Gawad (Non-service).  Kasama rin sa nagsipag-obserba sina Kaw. Prop. Gemma V. Aboy at Kaw. Prop. Ma. Rosario Virginia C. Garcia na mga opisyal ng USTFU.  Dumalo rin ang Presidente ng USTFU na si Prop. George G. Lim, M. D., upang mag-obserba at upang pangunahan ang pagkakaloob sa mga miyembro ng Lupon ang Sertipikasyon ng Pasasalamat at munting alaala para sa mga miyembro ng Lupon mula sa UST at USTFU.

***
Resulta ng Pinal na Paghuhusga sa mga Finalists sa Gawad Sto. Tomas, nalaman na
29 Nobyembre 2013

Pormal nang isinomete ng Komite para sa mga Gawad (non-service) ang resulta ng pinal na paghuhusga sa mga finalists para sa Gawad Sto. Tomas (GST) sa huli nilang pagpupulong noong ika-28 ng Nobyembre 2013 na ginanap sa Conference Room ng Dekana ng Narsing.  Pinangunahan ni Kaw. Prop. Susan Maravilla, Dekana ng Narsing, at siyang Puno ng Pinagsanib na Lupon ang pagbubukas ng selyadong sobre mula sa mga Lupon ng Hurado ng GST.  Siniyasat ng Lupon ang resulta at ito'y kanilang pinagtibay.

Ipaparating ng magkasanib na Lupon ang resulta sa mga nagsipagwagi sa pamamagitan ng pormal na sulat, at ito'y pormal na ihahayag sa pagtatanghal ng ika-15 Dangal ng UST sa ika-5 ng Marso 2014.   

***



*Ang pahinang ito ay patuloy pa ring binubuo.